Young at Heart
- E-book Version Only
- 31 Parts
- Romantic Comedy, Age-gap, Disguise
Mistaken for peers, a baby-faced woman in her mid-20’s captures the heart of a teenage boy, sparking a heartfelt romance that defies age.
Story Teaser
I’m already a twenty-five-year-old woman, but people frequently mistake me for a teenager. Petite at baby-faced kasi ako. Also a bit immature. Maybe because people around me still treat me like I’m still sixteen.
Or maybe I lived a futile teenage life. Ang dami kong hindi naranasan noong teenager ako, including falling in love at a tender age. Hindi ko naranasan iyong tinatawag nilang “young love, sweet love.”
Suddenly, I found myself back in high school, disguised as a seventeen-year-old student with a self-imposed secret mission. It’s also my chance to relive high school and accomplish the things I never got the chance to do then.
There, I met a mischievous yet handsome teenage boy who made me realize that I not only had young looks but also a young heart. But, no! Hindi kasama sa gusto kong ma-experience ang “puppy love” at twenty-five!
Sample Chapter
HABANG lumalakad ako palayo ay parang gusto kong umiyak pero pinakapigilan ko. Sayang lang ang tubig ko sa katawan dahil hindi worth it na iyakan ang isang lalaking nangwasak sa puso ko.
Malayo na ako kay Gilbert at sa girlfriend niya nang lingunin ko sila sa isang table sa al fresco area ng isang café. Nakita ko nang itulak ni Pia ang walanghiya kong ex-boyfriend habang galit na galit siya. Mukhang todo sa paliwanag ang loko.
Magbe-break kaya sila? Hihiwalayan kaya ni Pia si Gilbert dahil sa isiniwalat ko tungkol sa boyfriend niya na ex-boyfriend ko?
No, hindi ako nagi-guilty na ginawa ko ito. Dapat lang malaman ni Pia nang harap-harapan na pinagsabay kami ni Gilbert. Kung masisira ang relasyon nila, dapat lang siguro iyon kaysa naman walang kamalay-malay si Pia na naging kabit siya habang kami pa ni Gilbert.
Pero bakit ganoon? Medyo weird din ang babaeng iyon. Bakit parang mas affected siya sa ibang bagay kaysa sa mismong pagtsi-cheat ni Gilbert?
Nagpunta kasi ako roon nang nakasuot ng pink crop top na may naka-print na “Sweet 16.” Naka-double bun hairstyle din ako at plakado ang cheek tint ko. In short, lalo akong nag-mukhang teenager.
Wala naman kasi talaga sa plano ko ang pumunta roon. Um-attend ako sa sixteenth birthday party ng pinsan ko at malapit lang sa café na iyon ang venue. Dahil youthful ang event kaya naisipan kong mag-double bun. Birthday souvenir ng pinsan ko ang crop top na suot ko. Isinukat ko kaagad para makapagpa-picture na suot iyon.
Nang buksan ko ang Instagram ko para mag-post ng picture, nakita ko na may ATM story si Pia. Dalawang linggo ko nang ini-stalk ang IG niya kaya naka-follow ako sa account niya. Nalaman ko tuloy na nasa malapit lang na café ang dalawa sa mga oras na iyon. Kaya hindi ko na pinakawalan ang pagkakataon, pinuntahan ko sila nang hindi masyadong nag-iisip at ipinakilala ang sarili kay Pia. Sinabi ko ang natuklasan ko lately tungkol sa ginawa ni Gilbert sa akin, sa amin.
Shock na shock si Pia habang pinapasadahan ako ng tingin from head to toe.
“Pumatol ka sa minor?”
Umalog ang eardrums ko sa lakas ng boses ni Pia nang kumprontahin ang boyfriend. Nagtinginan tuloy sa amin ang lahat ng tao sa al fresco.
Siyempre ay sinabi ni Gilbert na hindi na ako minor pero hindi naniwala si Pia. Hindi na ako nagkaroon ng chance na sabihin na hindi na ako minor dahil nag-meltdown na si Pia.
Iniwan ko na rin kaagad sila dahil nagpaalam lang ako saglit sa pinsan ko na walang kamalay-malay na gumawa ako ng eksena sa sandali kong pagkawala.
Kinapa ko ang dibdib ko habang naglalakad ako sa sidewalk. May relief at fulfillment akong naramdaman sa ginawa ko. Relief dahil naipaalam ko na kay Pia kung anong klaseng lalaki si Gilbert. At fulfillment dahil parang naiganti ko na ang sarili ko.
Pero mayroon pang isang damdaming ayoko sanang makapa pero nandoon. Pain.
Kahit matagal na kaming wala ni Gilbert, may pain pa rin nang malaman ko kung ano lang talaga ako para sa kanya. He never loved me.
Namalayan ko na lang na basa na ang mga mata ko dahil nanlalabo na iyon.
Naramdaman ko na lang ang pagbangga ng balikat ko sa kung sino. Dahil siguro sa emosyon ko kaya humina ang katawan ko. Hindi naman sobrang lakas ng impact pero bumagsak ang pang-upo ko sa pavement.
Nadagdagan tuloy ang sakit na nararamdaman ko. Pati pang-upo ko, masakit na rin. Hindi ko na napigilan ang mapahagulgol.
“Hala siya,” narinig kong sabi ng lalaking nakabanggaan ko.
Imbes na ialok ng lalaki ang kamay niya para tulungan akong tumayo, nag-crouch siya para panoorin ang pag-iyak ko.
“Grabe ka naman makangawa. Are you ten years old?”
Hindi ganoon ang inaasahan kong marinig galing sa isang lalaking nakabangga ng isang babaeng bumagsak at umiiyak. He sounded as if he was making fun of me.
Pinawi ko ng palad ang luha sa mga mata ko para makita ang mukha ng bastos na lalaking ito. Medyo bata pa pala. Nasa seventeen to nineteen siguro dahil nakasuot ng high school uniform ng eskuwelahan ng rich kids na medyo malapit sa lugar na iyon. Malaking bulas lang. Mukhang inalagaan sa Cherifer.
Halata ang amusement sa mga mata niya habang nakatingin sa akin. Bahagyang nakaangat ang isang sulok ng mga labi niya. Imbes na mag-sorry at patahanin ako sa pag-iyak, parang nasisiyahan pa siya habang pinapanood ang pagkamiserable ko.
Ah, I kinda hate Gen Zs. Nakaka-frustrate na talaga ang mga kabataan ngayon. Karamihan ay wala nang proper manners. Ni hindi na rin talaga marunong gumalang sa mga nakatatanda.
“Sixteen ka na pala,” patuloy ng lalaki pagkatapos tapunan ng tingin ang damit ko. “Pero para kang batang nawawala na hinahanap `yong mommy niya.”
Nanlisik ang mga mata ko sa kanya. “Hindi ako sixteen! Twenty-five na `ko!” singhal ko.
Tinitigan ako ng teenager at pagkatapos ay bumulanghit ng tawa. “Twenty-five, my ass. Kung twenty-five ka, eh `di, twenty-six na pala `ko.”
Sanay na akong napagkakamalang teenager kaya automatic na ang ginagawa ko sa tuwing may nagdududa sa edad ko. Dumudukot ako ng ID. Dudukot sana ako pero wala pala akong dalang bag. Iniwan ko iyon sa party dahil medyo mabigat.
Napaungol na lang ako sa frustration at tumayo na mula sa pagkakasalampak sa pavement. I have to time for some rude and mischievous teenage boy!
Nilampasan ko na ang lalaki pero naramdaman ko ang pag-agapay niya. Nang balingan ko siya para tingnan kung sadyang sinusundan niya ako, sumakit ang leeg ko dahil kailangan kong i-adjust ang view ko pataas. Ang tangkad ng bruho. No wonder, mukha nga talagang mas matanda pa siya sa akin. Natagpuan kong nakabaling siya sa akin at nakuha pa talaga akong ngitian kahit halata namang asar ako. Mukhang libang na libang ang loko at pinagtatawanan pa rin siguro ako sa inakto ko kanina.
“Kung hindi ka magso-sorry, leave me alone.” Ipinahalata ko ang inis ko.
Sayang, cute pa naman sana ang bagets na ito. Ganito ang mga tipo ng younger cousin kong si Pam. Kung okay sana ang personality, baka isinama ko pabalik sa party para iregalo sa pinsan ko.
“Bakit naman ako magso-sorry? Ikaw kaya `yong bumangga sa `kin. At saka hindi ko naman kasalanan kung lampa ka.”
Napakakaswal lang magsalita ng teenager. Para bang matagal na kaming magkakilala. At para siyang walang pakialam kahit iniisip kong wala siyang manners. As if hindi rin siya aware na naiinis ako. O baka nga ikinasisiya pa niyang makita akong naiinis.
Humugot ako nang malalim na paghinga. Gusto kong intindihan ang teenager na ito. Siguro, hindi niya ako tatratuhin o kakausapin nang ganito kung alam niyang twenty-five years old na ako.
Lumiko ako ng street pero nakabuntot pa rin siya. Nagmadali na ako sa paglalakad pero sumusunod pa rin siya.
“Where are you going?” tanong niya mula sa likuran ko. “Isusumbong mo ba ako sa Mommy mo?”
Huminto ako at nilingon ang teenager. “Kung hindi mo ako lulubayan, isusumbong kita… sa pulis.”
He grinned. Napansin ko pa talaga na ang perfect ng teeth niya.
“It’s okay. I can always get away with everything.”
Ah, the perks of being a minor. They can always get away with committing crimes. Delinkuwente siguro talaga ang batang ito.
He looked decent, though. Hindi siya iyong tipong mukhang gangster. Clean cut hair, walang piercings, walang slash na ahit sa kilay, walang visible tattoo o nakasabit na mga bling-bling.
Naiinis ako sa kanya pero wala naman akong nararamdamang danger. Besides, twenty-five na ako at bata lang siya. Mas malaki siya pero dahil mas matanda ako, mas marami na akong alam sa buhay at marunong akong protektahan ang sarili ko.
Kaya tiningala ko siya nang nanghahamon habang na nakapameywang ala-boss ko sa office.
“Tingnan lang natin kung maka-get away ka kapag napundi ako sa `yo.”
“Woah, woah… feisty! Ang tapang naman ng bata. Pero kanina, umiyak agad no’ng bumagsak sa lupa. Sa liit mong `yan, ano namang kaya mong gawin sa `kin?”
“Gusto mo ng sample?”
Marunong ng martial arts ang papa ko kaya tinuruan niya ako ng basic self-defense and attack.
“Ano’ng gagawin mo sa `kin? Kakagatin mo ako sa braso?” Mukhang aliw na aliw talaga siya at ayaw akong seryosohin.
Naningkit ang mga mata ko. Maghahanda na sana ako para atakihin siya pero napansin ko ang paglarawan ng pagkaalarma sa mukha niya nang lumampas sa mga balikat ko ang tingin niya.
“Shit,” mahinang sambit niya.
Lumingon ako para tingnan ang nakita niya. Sa di-kalayuan ay may isang grupo ng mga kabataan na nakatingin sa direksiyon namin.
Ahh… freaking teenagers.
Napanood ko na ang eksenang ito. Ang susunod na mangyayari ay tatakbo ang kaharap kong lalaki dahil hahabulin siya ng grupong iyon.
That’s good, naisip ko. Lulubayan na na niya ako dahil kailangan niyang umeskapo bago makuyog ng grupong iyon.
Pero nagulat na lang ako nang hagipin ng teenager ang braso ko at isama ako sa pagtakbo niya. Sinubukan kong magpumiglas pero hindi niya ako pinakawalan.
“Run, or you’ll be dead meat,” sabi niya.
“Bakit pati ako kailangang tumakbo?”
“Nakita ka nilang kausap ko. Iisipin nilang associated ka sa `kin kaya lagot ka kung iniwan kita roon.”
Napaungol na lang ako sa frustration habang tumatakbo. Pati ako dinamay ng batang ito sa trobol niya!
Nilingon ko ang mga bagets na humahabol sa amin. Anim sila. Mga mukha talagang delinkuwente ang hitsura. Kapag nga naman naabutan siya, pagtutulungan siya at dahil mag-isa lang siya, bugbog-sarado siya kapag nagkataon. Worse, baka ikalumpo niya.
Ah, hindi na lang pala siya ang mabubugbog kung sakali. Pati ako! Pati ako, posibleng malumpo! Sukat sa naisip ko ay para akong biglang naging track and field athlete sa bilis ng takbong ginawa ko.
Narating namin ang ma-eskinitang area ng lugar na iyon. Hanggang sa makarating kami sa isang lugar sa likod ng isang ginagawang building na walang tao. Nag-panic ako nang makitang nakasunod pa rin ang mga humahabol sa amin. Kundi ba naman kasi tange ang batang ito, bakit doon siya pumunta? Puwede namang sa mataong lugar kami tumakbo dahil tiyak na hindi kami kakantiin ng mga humahabol sa kanya kung maraming witness.
Nagtaka ako nang tumigil siya sa pagtakbo. Bumangga pa ako sa kanya dahil nasa run mode pa ako, `tapos, bigla siyang hihinto. Parang saglit na humiwalay ang kaluluwa sa katawan ko nang makita ang anim na lalaki na huminto na rin sa pagtakbo habang nakatingin sa amin na parang handa na kaming lapain.
Sinubukan kong hilahin ang bagets para yayain uling tumakbo pero hindi siya natinag sa kinatatayuan. “Magpapakamatay ka ba?” manghang tanong ko.
Chill lang kasi siya habang parang hinihintay na makalapit ang grupo.
“Ako kasi, ayoko pang mamatay. Kaya kung magpapakamatay ka, `wag mo `kong idamay!” Nagtangka akong tumakbo para iwan na siya roon.
Kung makakatakas ako, tatawag ako ng pulis. Pero nahinto ako sa pag-eskapo dahil isa sa miyembro ng grupo ay humarang sa akin at umakmang dadakmain ako.
Nagulat na lang ako nang hawiin ako ng lalaking nakabanggaan ko kanina para siguro iiwas sa humarang sa akin. Bago pa ako bumalandra sa sahig, nakita ko kung paano siya umikot at pinalipad ang paa sa mukha ng kalaban.
Sa sumunod na sandali, para na akong nanonood ng imposibleng fight scene sa TV habang nakasalampak sa lupa. Iyon bang ang dami ng kalaban pero pulos nagsiliparan lang sa kada galaw ng mga kamao, binti at paa ng nag-iisang bida.
Tae kwon do moves ba iyon? Muay thai? Karate? Judo? Wala akong idea. Basta nakatunganga lang ako roon at hindi in-expect na makaka-witness ako ng ganoong tagpo nang live. Mukhang hindi lang Cherifer ang nilaklak ng batang ito.
Na-gets ko na kung bakit siya tumakbo kanina kahit matapang naman pala at marunong siyang makipaglaban. Dinala lang niya ang mga kalaban sa isang lugar na walang makakakita kapag ginulpi na niya ang mga ito.
Nakanganga pa rin ako nang matapos ang action scene. Habang ang mga kalaban ay nakahandusay sa sahig at umuungot sa sakit, wala ni isang galos ang teenager na nakabanggan ko kanina. Para lang siyang nagpapawis.
Parang walang nangyari nang lumapit siya sa akin habang nagpapagpag ng sleeve ng uniporme. Hindi ako makapaniwalang nadumihan lang ang damit niya sa nangyari.
Angas! Ganoon ang sinasabi ko every time nakakapanood ako ng ganoong klaseng eksena sa mga palabas. Hangang-hanga ako sa bida.
Napatingala ako sa bagets nang huminto siya sa harapan ko.
“Okay ka lang?” kaswal na tanong niya.
Actually, mukhang ako pa ang nagalusan sa paghawi niya sa akin kanina. Siya itong nakipagbakbakan sa anim na lalaki pero ako ang nagka-injury dahil lang iniwas niya ako sa kalaban. Pero kung hindi niya ako hinawi kanina, baka hindi lang galos sa binti ang napala ko sa kamay ng teenage gangster na iyon.
Napatingin ako sa kamay na inalok niya. Marunong naman palang mag-alok ng tulong sa pagtayo, bakit hindi niya ginawa kanina?
“Why do you always end up on the floor?” Bumalik ang amusement sa mga mata niya. “Hindi naman mapuwersa `yong pag-nudge ko sa `yo kanina. O lampa ka lang talaga.”
Bumalik na naman ang inis ko sa kanya. Kaya imbes na tanggapin ang kamay niya, hinawi ko iyon at tumayo ako nang mag-isa. Pinagpag ko ang skirt at mga binti ko at pagkatapos ay sinalubong ang tingin ng bagets na hindi ko alam kung bakit parang pirmi nang nakataas ang isang sulok ng mga labi.
“Ano nga pala `yong gagawin mo sa `kin kanina bago tayo hinabol ng mga bugok na `to?” tanong niya.
Sa mga ipinamalas niya kanina, baka pagtawanan lang niya ako kapag ginawa ko sa kanya ang natutunan kong attack moves.
“Never mind,” sabi ko na lang kaysa gawing laughingstock ang sarili sa harapan niya. “I’m a peace-loving person. Hindi ako katulad n’yo.” Iginalaw-galaw ko ang nakaturong kamay dito at sa mga nakabalandra sa sahig. “Mukhang ginagawa n’yo lang exercise ang pakikipag-riot.”
Ngumisi lang siya.
“Gangster ka ba?” curious na tanong ko. Hindi ko alam kung bakit kahit nakita ko na kung ano’ng ginawa niya sa mga nakahandusay sa lapag, hindi ako natatakot sa kanya.
“Hindi, ah. `Yong mukhang `to, mukha bang gangster?” Hinawakan niya ang baba.
Kunsabagay nga naman. Hindi talaga siya mukhang typical gangster.
“So, mahilig ka lang talagang makipagbasag-ulo?”
“What’s ‘basag-ulo?’”
“Basag-ulo? Ginagawa mo, hindi mo alam ang tawag?” Itinuro ko uli ang mga lalaking binugbog niya.
“I break bones, all right, but I don’t break skulls. `You really think I can kill a person?”
Natawa ako. Feeling ko, ang mature ko dahil alam ko ang salitang ‘basag-ulo.’ Talaga bang hindi alam ng Gen Zs ang salitang iyon?
“Mabuti naman kung gano’n,” sabi ko na lang.
“Saan school mo?” Halatang curious siya.
“School? `Di ba sinabi ko sa `yo, twenty-five na `ko? Kaya hindi na ako nag-aaral. Nagwo-work na `ko.”
Nagtatawa siya na para bang nagbitiw ako ng mabentang Gen Z joke. “You’re funny.”
“Eh, `di bahala ka sa buhay mo. `Wag kang maniwala.”