Dederella and the Magical Push-up Bra

A flat-chested woman thought she had no chance of getting the man of her dreams. Until she received a push-up bra that magically transformed her tiny breasts into big plump jugs.

#hystories

Story Teaser

Cup AA. Taglay ko ang pinakamasaklap na breast cup size. Flat-chested, in other words. Pader, plywood, at kapatagan para mas hard. Sino ba ang may gustong magkaroon ng maliit na dibdib? Lalo na kung ang lalaking gusto ko ay parang may breast fetishism!
 
Matagal ko nang inaasam si Lex. Kaya lang ay naaakit lang siya sa ga-papayang dibdib ng babae. Kaya kahit na alam niyang may gusto ako sa kanya ay deadma lang ang bruho at parang tropang ka-chest bump lang ang tingin sa akin.
 
Isang gabi, sa kamamaktol ko sa kapalaran ng maliit kong hinaharap, nakilala ko ang isang matandang nagbigay sa akin ng isang mahiwagang push-up bra na kayang gawing cup D ang cup AA. In time for Lex’s party, I attended it with a pair of big jugs courtesy of the magical brassiere. Sa tulong ng makeup transformation skills ng aking beki friend ay nakapagpanggap ako bilang ibang babae.
 
Dahil marupok si Lex sa cup D ay nahumaling kaagad siya sa akin. Kaya lang ay kinailangan ko siyang takbuhan dahil ang bilin ng matanda ay mawawalan ng bisa ang magical push-up bra pagkalipas ng hatinggabi. Habang tumatakbo palayo ay unti-unting bumabalik sa tunay na size ang dibdib ko kaya lumuluwang din ang bra hanggang sa mahulog iyon.
 
Pagkatapos ng gabing iyon ay nabalitaan ko na lang na hinahanap ako ni Lex. Gamit ang naiwan kong bra ay desidido siyang hanapin ang babaeng nakasama nang gabing iyon. Ang hindi puwedeng malaman ni Lex ay ako at walang iba si “Dederella.”
 
Well, as if naman paghihinalaan niya ako kung ga-monggo lang ang dibdib ko kumpara sa misteryosang babaeng hinahanap niya.

Sample Chapter

“AND THEY lived happily ever after… the end.”

Nakangiti ang apat na taong gulang kong pamangkin sa pinsang si Tin-Tin habang nakatingala sa akin. Halatang nasiyahan sa istorya kahit pang-isang libong beses ko na yatang binasa ang istorya ni Cinderella rito.

Isinara ko ang fairy tale book at inilapag sa kandungan ng bata na katabi kong nakaupo sa sofa. Tuwang-tuwa ako kay Tin-Tin kaya sa tuwing dinadala ito ng pinsan kong si Ate Gemma sa parents nito sa kabilang bahay, minsan ay hinihiram ko para makalaro. Wala kasi akong kapatid kaya wala akong pamangkin. Nakikiamot na lang tuloy ako.

Well, mayroon akong dalawang stepsisters pero buti na lang at wala pa silang mga anak dahil siguradong mga tiyanak ang mapo-produce ng dalawang iyon. Hindi ko alam kung ipagpapasalamat kong nawala sila sa buhay ko dahil kailangan pang may maganap na hindi maganda para mangyari iyon. Pinutol ko na ang ugnayan ko sa kanila at sa sugarol kong stepmom noong namatay ang papa ko almost a year ago. Sa akin napunta ang bahay na ipinundar ni Papa at ng yumao kong mother dear kaya nag-alsa-balutan silang tatlo pagkatapos mailibing si Papa. Halos isang taon na akong mag-isang nakatira sa bahay na ito.

“Nakakainggit talaga si Cinderella, `no?” sabi ko kay Tin-Tin habang hinahagod ang buhok nito.

“Kasi may boobs si Cinderella?” sabad ni Bambs na galing sa kusina at may dalang sandwich at isang baso ng gatas para kay Tin-Tin.

Mabilis na nagkiskisan ang mga ngipin ko at pinandilatan ang beki.

“Kasi wala siyang epal na kaibigang tulad mong bakla ka!”

Wala nang nakita ang mga taong nakapaligid sa akin kundi ang boobs kong 34AA ang bra size. Ang kaawa-awa kong cup AA. Maliit na nga, parati pa ring nakikita.

Ang sabi ng iba, perfect na raw sana ako. Maganda, makinis, maliit ang baywang, matambok ang puwit at may shapely legs. Isa lang talaga ang nagkulang ako—boobs. Ang boobs na requirement sa isang babae para matawag na kaakit-akit. Ang boobs na gustung-gusto ng mga kalalakihan sa mga kababaihan. Ang boobs na sukatan na rin yata ng pagkababae.

Malaki naman ang hinaharap ng mama ko pero bakit ganito ang kinalabasan ng sa akin? Bakit sa tatay ko ako nagmana ng dibdib? Tuloy, kahit maganda naman ako, hindi tuloy ako ligawin. Kung mayroon mang nanligaw sa akin, hindi ko naman type. Kaya tuloy hanggang ngayon, hindi ko pa nararanasang magka-boyfriend.

At twenty-six, ni halik, hindi ko pa natitikman. Napakasaklap. Kung bakit naman kasi noong nagsabog ng boobs ang kalangitan, utong lang ang nasalo ko?

Busy na si Tin-Tin sa pagkain ng ham sandwich at pag-inom ng gatas kaya wala nang pakialam sa amin ni Bambs. Kinuha ko ang fairy tale book sa kandungan ng bata dahil baka matapunan nito ng gatas pero inagaw iyon ni Bambs mula sa kamay ko at umupo siya sa tabi ko.

“Sana all may fairy godmother, ‘no?” sabi ng beki.

“Oo nga, eh.”

“Alam mo kung ano’ng hihilingin ko kung magkakaroon tayo ng fairy godmother?”

“Na bigyan ka ng kepyas?”

“Bakit mo alam?”

“Letse. Masyado kang predictable.”

“Eh, ikaw. Alam ko na kung ano’ng hihilingin mo.”

“Obvious ba?” Iniliyad ko ang dibdib.

“Prince Charming. ‘Lex’ ang pangalan niya.” Inumpisahang buklatin ni Bambs ang libro.

Ay, gaga. Hindi pa nakuha. Napa-chest in at buntong-hininga ako nang marinig ang pangalan ng lalaking dahilan kung bakit hindi ko sinagot ang kakaunting lalaking nag-pursue sa akin.

Alexis de la Torre. Six-footer. Guwapo. May six-pack abs at ripped muscles. Mestizo. Mabango. May mga matang nakakatunaw kung tumingin. May mapupula at kissable lips. Pati mga buhok nito sa binti, pinagnanasaan ko. Minsang nakita ko si Lex na half-naked at lawlaw ang salawal, nag-hyperventilate ako.

Well, hindi lang naman ito physically desirable at may cool personality, may binatbat din naman kasi talaga. He was a self-made millionaire.

Eight years ago, nagtayo si Lex ng business kasama ang pinsang si Bea na isang fashion and textile graduate. Lingerie company ang itinayo nito. Business course graduate ang lalaki at sadyang may future sa pagiging negosyante. Dahil magaganda at unique ang designs ng mga bra at panties at napakagaling ng marketing skills ni Lex ay sumikat ang kompanya nila.

Sa ngayon ay household name na ang Sollera. Ang Sollera ang naging Victoria’s Secret ng `Pinas. Natalbugan nito ang lahat ng kilalang local female underwear brands. Later on ay nagkaroon din ng female clothing at beauty products ang kompanya.

Si Lex ang founder at CEO ng Sollera. Pa-golf-golf na lang ito sa Manila Golf and Country Club. May penthouse sa isang luxury condominium building. May properties and investments sa kung saan-saan. Sa napakabatang edad ay isa na itong milyonaryo. Ganoon kagaling si Lex kaya lalo ko itong hinangaan.

Pero dahil ganoon na ang level ni Lex, lalo tuloy naging mahirap abutin ang isang tulad nito. Well, bukod pa sa katotohanang hindi talaga ako magugustuhan ni Lex dahil ang numero unong requirement sa isang babae para mapansin nito ay may ga-papayang dibdib. Lahat ng naging girlfriends ng lalaking iyon ay naglalakihan ang dibdib. Ang minimum size yata ay cup C.

Best friend si Lex ng pinsan ko. At ang tsika ni Kuya Gerry sa akin, may abnormal fascination daw ang kaibigan sa female breasts. Sa palagay nga raw ng tsismoso kong pinsan ay may breast fetishism ang best friend. Kaya nga raw siguro underwear ang business na naisip ni Lex ay dahil sa sobrang fascination sa malusog na dibdib ng mga babae.

“Hindi kasi naranasan ni Lex na magkaroon ng nanay. Kaya siguro ganoon na lang ang fascination niya sa female breasts. Hindi kasi niya naranasang makasuso noong baby siya kaya ngayong malaki na siya, gusto niya palaging sumususo sa dibdib ng mga babaeng parang naggagatas sa laki ng mga dibdib.”

Ewan kung biro lang ni Kuya Gerry iyon dahil tumatawa ang kumag habang sinasabi sa akin iyon. Pero, somehow, naaawa ako kay Lex dahil hindi nito naranasan ang magkaroon ng ina. Namatay kasi sa panganganak ang mommy nito. At least, ako ay naalagaan ng mama ko hanggang fifteen years old ako.

“Kahit naman ibigay ng fairy godmother ko si Lex sa akin, iiwan din ako n’yon. Magkakaroon lang kami ng ‘happily ever after’ kung magkakaroon ako ng cup D.” Napatingin ako sa drawing sa nakabukas na pahina ng librong hawak ni Bambs—ang fairy godmother ni Cinderella. Inagaw ko ang libro mula sa kanya.

“Fairy godmother,” nakasibing kausap ko sa drawing, “please… hindi ako hihingi ng napakagandang gown. Hindi ko hihilingin na gawan mo ng karwahe gamit ang malaking kalabasa. Hindi ko iwi-wish na gawin mong kabayo ang mga bubuwit ko rito sa bahay. Imbes na isang pares ng magandang glass shoes, isang pares ng malaking boobs na lang po, please?”

Hinablot ni Bambs mula sa mga kamay ko ang libro. “Sino ka? Si Dederella?”

“Oo, beks. Gusto kong maging Dederella.”

“Eh, kaso, beshie, hindi ka na magkakaroon ng dede kaya hanggang ‘rella’ ka na lang.”

Hinablot ko pabalik ang libro para maihampas sa mukha ni Bambs. Maarte ang naging pag-‘aray’ ng bakla.

“Bakit kasi hindi ka na lang magpalagay ng boobs? Mas may chance kang magkadibdib doon kaysa humingi ka ng joga boobey sa non-existent entities.”

Beks, alam mong takot akong magpaopera, `di ba? Injection pa nga lang, nahihimatay na ako, eh. Ang mahiwa pa kaya ng surgical knife? At saka hindi natural ang ganoon kaya wala ring gaanong effect. Ayaw ni Lex ng fake boobs.”

“Eh, `di maghanap ka na lang ng lalaking hindi tumitingin sa size ng boobs.”

“Meron pa bang gano’n?”

“Meron. `Yong mga nanligaw sa `yo noon. Kung si Lex, may abnormal fascination sa breasts, sila naman, may abnormal fascination sa pader.”

Hinablot ko ang kulay green na buhok ng bakla na um-aray na naman nang pagkaarte-arte.

“Taken na ngayon `yong mga `yon. Bihira na lang ngayon `yong mga lalaking nagkakagusto sa flat-chested girls.”

Kumapit si Bambs sa braso ko. “Okay lang `yan, beshie. `Wag mo nang masyadong isipin `yan. Pareho lang naman tayong flat-chested. May karamay ka.”

Pinaglipat-lipat ko ang tingin sa dibdib ko at dibdib niya. Marahas kong binawi ang braso ko sa kanya at tiningnan nang matalim ang beki. Nakakainsulto na pareho kaming flat-chested samantalang bakla siya at babae ako. “Umuwi ka na sa inyo bago pa kita matadyakan.”

Bakit naman kasi hindi umubra iyong bust exercise na umaga at gabi ko pang ginagawa noon? Hindi naman yata talaga totoo ang “I must, I must, I must increase my bust” na iyon. Hindi rin totoo na kapag nag-wish sa falling star, natutupad.

Noong teenager ako, bago ako mag-blow ng candle sa birthday cake ko, palagi kong iwini-wish na lumaki ang boobs ko pero sumapit ang eighteenth birthday ko na flat pa rin ako. Humantong na nga ako noon sa pagno-novena pero hindi pa rin sinagot ang panalangin ko. Mukhang itinadhana talaga akong magkaroon ng dalawang likod.

“Tita,” tawag-pansin ni Tin-Tin.

Bumaling ako sa kanya. “Yes, baby?”

“Ano po `yong flat-chested?”

Itinuro ni Bambs ang dibdib ko. “Ganyan. `Yang sa tita mo. Maliit na dede. Hindi matambok na tulad ng sa mommy mo.”

Yumuko si Tin-Tin at kinapa ang sariling dibdib. “Flat-chested din po ako?”

“Oo, Tin-Tin,” sagot ni Bambs. “Pero `pag big ka na, lalaki rin `yan na tulad ng sa mommy mo.”

“Bakit po si Tita, big na pero hindi po lumaki dede niya?”

“Pinaglihi kasi ang tita mo sa ironing board. Noong ipinagbubuntis kasi siya ng mama niya, gustung-gustong  namamalantsa. Kaya ganyan ang kinalabasan.”

Hinaltak ko ang t-shirt ni Bambs palapit sa akin at itinapat ang bibig sa tainga niya. “Gusto mong plantsahin ko `yang mukha mo? Get out of my house. Now!”