Campus Girls Series #3: The Slum Princess
- COMPLETED
- 20 Parts
- Romance, College, Dual Timelines
A frivolous girl from the slums clashes with an outspoken rich guy who initially finds her nonchalance and audacity unsettling but eventually falls in love with her.
Story Teaser
Sample Chapter
HABANG ang mga kaklase ni Princess ay nakikinig sa boring na lecture ng professor nila sa global finance, siya ay nagkukunwaring nagbabasa ng librong gamit ng lahat pero may nakaipit na horror short stories na pocketbook sa loob na siyang tunay niyang binabasa.
Napagod nang husto ang utak niya sa long test sa financial management. Hindi pa naman pang-heavy duty ang performance ng brain cells niya. At dahil ayaw nang gumana niyon, naglilibang na lang siya kaysa pahirapan ang sarili sa pag-intindi sa mga sinasabi ni Mr. Manantag.
Papunta na si Princess sa exciting part ng binabasa kaya napahugot siya ng chewing gum mula bag at nginuya iyon nang palihim. Baka kasi masamain ng prof nila kung mahahalata ang pagnguya niya kaya hindi niya itinodo ang paggalaw ng mga panga. Tinapunan lang niya ng tingin ang mga gamit na nahulog sa sahig mula sa bag nang kalkalin iyon para sa chewing gum. Hindi niya pinagkaabalahang pulutin ang mga iyon dahil busy siya sa binabasa.
Walang ano-ano ay biglang tumunog ang bell at nagsimulang magsitayuan ang mga kaklase niya. Napapikit at napapalatak sa frustration si Princess. “Pusang gala!” mahinang asik niya.
Papatindig pa lang sana ang mga balahibo niya pero naudlot dahil kailangan na niyang itigil ang pagbabasa ng horror kundi ay baka mapagkamalan siyang feel na feel ang textbook na tungkol sa global financial markets.
Isinara na ni Princess ang libro at isinilid sa bag. Pagkatapos ay niyuko ang mga gamit na nagkalat sa sahig. Inisod niya papunta sa likod ang silya habang nakaupo pa rin at isa-isang pinulot ang mga gamit hanggang sa mapatingin siya sa makintab na leather shoes na papalapit sa direksiyon niya. Habang nakayuko ay inangat niya ang paningin at nakita kung sino ang papalapit.
Si Ronan Salas pala. Muntik na niyang makalimutang kaklase pala niya ito sa subject na iyon at sa isa pang major subject. Kahit kailan kasi ay hindi sila nagkaengkuwentro nito. Natural ay tulad din ito ng tipikal na rich kids sa DLRU na ilag sa tulad niya. “Salas” ba naman. Galing lang naman ito sa isa sa mga pinakamayayamang pamilya sa Pinas. Bukod sa isa itong heredero, guwapo rin ang ungas. Kaya naman sobrang taas ng tingin sa sarili at hindi basta-basta nakikisalamuha sa mga hindi nito kauri.
Kapag naglalakad si Ronan sa school corridor, kulang na lang ay latagan ang sahig ng red carpet dahil akala mo ay isang prinsepe kung maka-aura. Kung kaharian nito ang DLRU, malamang ang tingin nito sa tulad niya ay isang alipin.
Dumiretso ng tayo si Princess nang ma-realize na sa kanya talaga papunta si Ronan dahil sa kanya nakatingin ito. Kaswal na sinalubong niya ang tingin nito nang tumigil sa harapan niya. Inaasahan siguro ng lalaki na mai-intimidate siya dahil nilapitan siya ng isang tulad nito.
Itinaas ni Ronan ang hawak na hugis lipstick. Tinitigan niya iyon at na-realize na lipgloss niya iyon. Mukhang gumulong iyon nang mahulog mula sa bag niya. Tumayo siya at basta na lang kinuha mula sa kamay nito ang lipgloss kahit hindi naman nito iniaabot.
“Hala! Hindi ko pa `to tapos bayaran sa Avon. Buti na lang, nadampot mo kundi nawala na `to. Thanks!” Umupo na uli siya para bumalik sa ginagawang pagpulot ng mga gamit pero hindi pa umaalis sa kinatatayuan si Ronan kaya dumiretso uli siya ng upo para tingalain ito.
Magkasalubong ang mga kilay ni Ronan habang nakatingin sa kanya. “I saw what you were doing a while ago. You were reading another book within a textbook. You were even chewing gum during class. On top of that, you deliberately let your belongings scatter on the floor.”
Saka lang nagkaroon ng reaksiyon ang mukha ni Princess. Shit na malagkit. Full English! Kaya talagang wala siyang pakialam kahit hindi siya kausapin nito habambuhay. Inis na inis siya kapag nakakarinig ng full English samantalang Pinoy naman sila.
“So?” Sa dami ng sinabi nito, iyon lang ang nakayanan niyang isagot. Totoong hindi nai-intimidate si Princess sa mga mayayaman pero kapag in-English na siya, doon na siya natutorete nang slight. Nakakaunawa naman siya ng Ingles pero hindi niya kayang magsalita ng pure English.
“You’ve been doing that for quite some time, and it bothers me every time.”
Kusang umangat ang kilay niya. “So, imbes pala na kay sir ka nakatingin, ako ang laging pinapanood mo, gano’n?”
Halatang hindi nagustuhan ni Ronan ang sinabi niya. Itinuro nito ang likuran. “I was sitting over there. Whether I like it or not, I could see you. Especially if you do something out of the ordinary.”
“Ang KJ naman nito. Hindi lang naman ikaw `yong nasa likod ko pero hindi nila ako pinapakialaman.”
“I would’ve joined them and remained silent about your lack of manners and deliberate disrespect. But I’ve had my fill of patience. If I see you doing those things again, I will not hesitate to notify our professor.”
Tina-translate pa lang sa Tagalog ni Princess sa isip ang sinabi nito pero binirahan na siya ng alis ni Ronan. Kung hindi lang ito nag-Ingles nang nag-Ingles, malamang ay marami sana siyang nasabi.
Habang naglalakad sa school corridors ay nagmamaktol pa rin si Princess. Kapag may nangmamaliit sa kanya o ginagawa siyang katatawanan dahil sa pagiging laking skwater niya ay wala na siyang pakialam. Pero iba ang kaso kanina. Pinakialaman siya ni Ronan dahil mukhang naiirita ito sa hindi niya pakikinig sa klase at daig pa nito ang mismong professor kung makasita.
“Alam ko namang mali `yong ginagawa ko, eh,” pagkausap niya sa sarili. “Pero hindi naman ako laging gano’n. Hindi naman kasi ako kasing talino nila kaya madaling mapagod `yong utak ko. Kapag hindi na kaya ng utak ko, hindi ko na pinipilit kasi baka magka-brain hemorrhage ako. Pinilit ko nga lang na mag-college, eh. Kasi sayang `yong napanalunan kong scholarship. Kung hindi lang, wala ako dito ngayon kasi hindi talaga pang-college `tong utak ko.”
Nang marating ang school lobby ay naraanan ni Princess ang malaking bulletin board at tiyempo pang nakita roon ang mukha ni Ronan. Nanalo kasi ito sa interschool public speaking competition na sinalihan kaya nakabalandra ang larawan doon. Nakaingos na tinitigan niya ang picture ng atribidong lalaki.
“Ang boring siguro ng buhay mo,” kausap ni Princess sa larawan. “Mayaman ka nga, matalino, pero para ka lang robot. Parang hindi mo alam kung paano magpahinga, mag-enjoy… `Yong paminsan-minsan, maging pasaway para iligtas ang katinuan mo. Bawat cell mo siguro sa katawan, punung-puno ng stress dahil lahat na lang, sineseryoso mo at gusto mong ma-achieve. Kawawa ka naman. I pity for you.”
Inirapan ni Princess ang picture at tumalikod na pero natigilan siya nang makita si Ronan na nakatayo sa likuran niya. Narinig nito ang mga sinabi niya!
Hindi niya alam kung galit ito dahil ganoon naman talaga ang hilatsa ng mukha nito dahil sa natural na makakapal na mga kilay. Iyon bang tinatawag nilang “resting bitch face.”
“I pity you,” malamig na sabi nito.
“Ha?” Sinasabi ba ni Ronan na kinaaawaan din siya nito? Dahil ba mahirap lang siya at hindi kasing bright nito?
“‘I pity you’ lang `yon. Walang `for.’ Hindi ka kasi nakikinig sa klase kaya kahit sa simple English, you suck.”
Anak ng pating. Sa dinami-rami ng sinabi niya tungkol dito ay ang grammar pa talaga niya ang napuna nito. Muli ay hindi na nakapagsalita si Princess dahil nilayasan na naman siya nito. Sinundan na lang niya ng nag-aapoy na tingin si Ronan habang naggigirian ang mga ngipin.
“`Yabang nito! Sumobra lang ng isang word, eh. Big deal na agad sa kanya.”